|
|
 |
 |
Monday, August 15, 2005
Nang marinig ang sweet driver sweet lover na si Brando
Saya-saya. Marami talaga istorya ang huling biyahe ko ng jeep pauwi. At ngayon naman, tungkol sa isang babae na hindi ko alam ang pangalan.
Pag-upo ko pa lang narinig ko ang katagang: "eh driver rin yun eh, iba magmahal mag-driver." Waw, sabi naman nung driver "iba" daw yung tinukoy niyang tao. Tapos maya-maya, nagsasalita na yung babae na gusto niya ng ibang asawa, marami pa daw siyang makikita, bata pa daw. Agree naman ung driver na buraot na katabi ko, antagal-tagal naghihintay ng pasahero. Sabi niya yung bisyo lang daw ni Brando ang magiging problema, oo naman yung babae na asawa ata ni Brando. Tapos sabi nung driver "straight" daw si Brando kahapon, buong araw pasada ata. Tapos yung babae naman, ang sabi ay "iba nahanap ko eh, sobrang bait," hindi ko lang alam kung sarcastic tong babae na to. Saya makinig ng usapan no?
Maya-maya naman, dumating na ang jeep sa dako ng mga tong collector. Saya ng buhay ng mga yan, dadaan lang yung jeep may pera na. Kitang-kita ko, malayo pa lang, naka "hingi position" na yung kamay niya. At nagaatubili pa yang driver, pero binigyan rin, sabay sabi "mukha kang ungas." Tawa lang tong si tong collector. Sayang buhay, eh tingin ko hindi sila magkakilala talaga, kung tong collector ka eh sanay ka na siguro mamura.
Posted at 10:35 pm by marvinthegreat
Permalink
Thursday, August 11, 2005
Nang bumalik at nagkamali
Oo, isa na namang parehong araw, umuulan, maputik, maraming tao. Naglalakad na naman ako, habang umiihip ng malakas ang hangin, mabaho sa palagay ko, pero marahil sanay na ang ilong ko. At sa dating gawi, nag-iisip, nagsasalita mag-isa, nagmamasid.
Mausok. Maingay. Pipili na naman ako ng jeep na sasakyan, may nakapila na jeep pero kaunti lang laman. Naglakad pa ako at nakakita ng isang naka-abang na jeep. Bahala na kahit mabagal, siguro naman, kapag napuno na to, mabilis na ang takbo at hindi na magpapakarga pa ng gasolina. Ayun nga, buraot ang drayber, ngunit hindi ako dapat magpa-apekto, naiintindihan ko naman ang ginagawa niya, anuman ang iangal ko.
Umandar na nga ang jeep. At ayan na naman uli ako, nag-iisip, at sa ngayon, ano ang dapat kong isulat. Kailangan kong maka-isip ng plot, at kasama na rito ang pang-araw-araw na lakad ko sa Recto. Ayun, medyo ayos na ang lahat, isusulat ko na lang, at malapit na rin akong bumaba. Pagtapat ng jeep, "`Ma, bayad ho!" Amp. "`Ma, para ho!" Langya. Ngumiti na lang ako, at tawanan na nga ang mga pasahero. "Parang Wow Mali," sabi ng buset kong katabi.
Tangina. Hindi naman ako nagmumura at hindi naman siguro mura ang "tang." Haay. Naglakad na ko papunta sa bahay.
Posted at 11:53 pm by marvinthegreat
Permalink
Saturday, May 14, 2005
Nang umikot ang mundo ng mga langgam
Sa ibang dako ng mundo, sa intersection malapit sa Manila Hotel at Luneta Park, habang nag-iinit ang makina ng mga sasakyan, hinihintay ang yellow light at hindi ang green light, tinawag na lang ako basta ng aking nanay. "Andaming langgam oh," sabay turo sa gulong ng isang sasakyan, PGP 396, truck, medyo maliit, kulay asul, may kargang mga kahoy. Nabulabog ang pagmumuni ko sa mga walang kwentang bagay at napatingin ako. Sa isang gulong ng sasakyan, nanduon ang mga langgam, ginawang lungga ang gulong, at sa isang hindi inaasahang pagkakataon, umandar ang sasakyan, at umikot ng ilang daang rpm ang kanilang mumunting mundo. Pero sa sinasadyang pagkakataon, inisipan ko ng kakaibang bagay ang mga langgam at tinitigang mabuti. Ilan sa kanila ang bumaba sa gulong at nawawala na sa kalsada, at malamang, ilang daan na rin sa kanila ang tumalsik sa lungga nilang pinakamamahal, pero ayun, tuloy pa rin ang ilang araw nilang buhay, nagtatrabaho pa rin, kayod, hanap pagkain, buhat, at lahat ng mga bagay na ginagawa nila para sa queen ant nila. Sa kabilang dako, sa mga langgam na umalis sa gulong, sa pag-andar ng sasakyan, ano na ang mahihinatnan nila? Sa gitna ng aspaltong daanan, sa ilalim ng matinding sikat ng araw, sa natitirang minuto ng kanilang buhay, ano na?
Tama na sa langgam, sa tao naman. Habang masaya na naman akong nagmumuni sa loob ng sinasakyan kong jeep, binibigyang kaluhugan ang simpleng pamumuhay sa dakong ito ng mundo, pinagmamasdan ko ang mga taong nagkakarga ng mga produkto sa isang van. Walang kakaiba dito, pero habang nagtatrabaho ang mga taong ito, parang hindi nila napapansin ang dalawang tao nakahiga sa ilalim ng van nila. Mag-asawa, mga 35+ na siguro ang edad, natutulog, naka-tanday pa sila sa isa't isa, nakahiga sa isang banig na nakalatag sa kalsada, napaka-mapayapa pa ng itsura.
Posted at 02:08 am by marvinthegreat
Permalink
Monday, April 18, 2005
Nang kainin ng aso ang Admission Notice ko
Hay nako, iibahin ko na ang tema ng aking blag: Ang Mga Kakaibang Aspeto ng Plantsadong Buhay.
Focus na lang sa mga matinding ironies ng buhay tulad nito:
Ang peanuts ang pinaka-unang comics na nabasa ko, talo pa ung funny comics. At, ang peanuts ay sila snoopy, charlie brown, at iba pa, wala lang. Sabi rito isa na ang pinakagamit na excuse para sa hindi paggawa ng homework ang "my dog ate it." Kaya nga nung bago ako dumating sa bahay at sinabi sa akin na kinain ng aso yung admission notice ko sa unibersidad ng pilipinas ay parang ayokong maniwala. Habang naglalakad ako eh naiisip ko pa yung optimism at pessismism chuvah, ang dakilang "half-full at half-empty" na glass. Optimistic naman siguro ako dahil akala ko eh medyo onting sira lang yun at OA lang lola ko. Pero nung paguwi ko, nakita kong gula-gulanit talaga siya at nakalatag lang sa isang sulok na parang wala.. Aayyyy.. Ilang buwan akong pinakaba niang resultang iyan, pending na nga ko't lahat-lahat, tapos kakainin ng ASO!!! Walanya... Pero wala na rin akong magagawa. Too Bad na lang.
At meron pala akong narinig na kantang kalye nung huwebes santo:
**Sa tono ng Ocean Deep sabi ni tabo-ym
Love, kentotin mo ako
Doon tayo sa madamo
Ala hubad Ala tuwad
Eto langis pampadulas
*pasensya na sa masamang lenggwaheng ito
Pero noong narinig ko iyan eh nde ako tumitigil sa kakatawa, na-untog pa nga ako eh. Galing sa isang bateng kalye na babae na may hawak pang sanggol na sa tingin ko ay 8 - 11 y/o na nagpapansin sa pinsan ko dahil crush niya siguro. Kadiri. Para sa mga refined na tao: kadiri. Pero para sa akin, tawa pa ko ng tawa. Too Bad ulit. Huwebes santo pa un ah.
Posted at 01:23 am by marvinthegreat
Permalink
Sunday, March 13, 2005
Nang maging kaibigan ko ang metroaide..
May kaibigan akong metroaide. Kaibigan ko siya pero hindi niya alam na kaibigan niya pala ako. Medyo matanda na siya, hanggang leeg ang buhok na puti, may kaunting balbas na puti, gusgusin ang itsura. Nakilala ko siya ng makasabay ko siya sa jeep isang umaga. Katabi ko siya at may katabi pa siyang isang babae. Nakatakip ng panyo ang ilong nung babae at tila na nadidiri sa kaibigan kong metroaide. Hindi na nahiya, tanda pa naman. Ngunit! Kahit na may dala pang kung ano yung metroaide mabait naman siya at isa sa mga tinatawag kong mga Fool on the Hill. Ang bag niya ay gawa sa sako, ang laman eh kung anu-anong mga "basura," yung mga bagay na itatapon natin. Nahahalata kong siya yung tipo ng tao na hindi mawalay sa kung lahat ng bagay, hindi niya itatapon ang isang bagay hangga't mapapakinabangan niya pa ito. Ngunit uli! Medyo mabaho talaga siya nung araw na iyon, parang hindi naligo, pero wala siyang pakialam sa sasabihin ng ibang tao.
Lumipas ang mga araw at natyatyambahan ko na makasama siya o makita sa isang lugar. Nakita ko siya ilang beses na nagpupulot ng mga bote ng mineral water, plastic, takip ng softdrink, at kung anu-ano sa Divisoria, umaga uli yun. Nalaman kong metroaide siya nang makita ko siyang naka-uniporme at nagwawalis sa kalsada. Para malaman ninyo na hindi ako nagsisinungaling, naka-destino siya sa intersection ng Ayala Boulevard at Taft Avenue. Malinis ang lugar na iyon, salamat sa kanya. Nakita ko rin siya kaninang umaga, nakaupo sa island, sa lilim ng isang maliit na puno, kasama ang kaibigan niyang metroaide, unang araw na nakita ko siyang may kasama. Noong unang araw na makita ko siya, iniisip ko kung may kamag-anak siya. Kung may anak ba siya, asawa, nanay, tatay o kung anuman na kasama niya sa bahay. Sa tanda niya, naglilibot siya sa Maynila, nagtatrabaho. Ang hula ko ay nasa 55 na siya, o mas matanda pa. Sana malaman ko pangalan niya.
Hindi katulad ng ibang mga blog (hehe) say hindi ako magpopost ng isang kanta, at hindi ako magsusulat gamit Inggles. Pero dahil binanggit ko, sasabihin ko ang tungkol sa Fool On The Hill. Eto ay isang kanta ng The Beatles, oo, luma, pero buong-buo ang diwa ng kanta kahit na 1967 pa yan na-release. Magpakahirap na kayong hanapin yan kung gusto niyo, or kung hindi kayo tinatamad, dahil hindi ko talaga ipopost yan. Kayo na ang maghusga pakihanap na lamang kung hindi ninyo alam.
Posted at 09:59 pm by marvinthegreat
Permalink
Wednesday, March 09, 2005
Nang mamatay ang karakter kapag hindi nag-renew ng contract
May isang bata, naglalakad siya sa tapat ng Pedro Gil corner Taft. Tumawid ang mga tao, sumunod siya. Nasa kalagitnaan na siya ng kalye ng binusinahan siya ng isang drayber ng trak, nagalit siya at itinuro ang traffic light. Binusinahan siya ulit ng tsuper at itinuro rin ang traffic light, tapos lumingon siya sa taas niya. Ayun! mali pala siya. Nagmadali na lang siyang tumawid.
Minsan kapag umaga, maaliwalas ang paligid, nagwawalis ang mga kapitbahay ko sa tapat nila,may nagsisiga, may nagbibisikleta, may naghahakot ng basura, at may mga bangaw na nakalutang. Kapag natiyempo kong nasa harap ako ng jeep, at tumatakbo ng mabilis, pumapalo ng malakas sa mukha ko ang malamig na simoy ng usok... bigla na lang ako tatawa dahil may na-alala akong nakakatuwang bagay, nakakahiya! Siyempre sa pagkakataong ganoon, magkukunwari akong hihikab o kaya nama'y iipitin ko ang mga labi ko na parang mukhang nabibwiset. Ayos, lusot! Hindi na ako yung katabi mo sa jeep na biglang na lang tumatawa. At ako nga pala yung tumatawid na bata.
Para maging timely itong kathang ito, magbibigay ako ng current event. Sinugod na ni Prinsipe Danilo Barios ang kastilyo ni Tagasundo. Hindi talaga mawawala ang isang aktor na may suot na kapa, may hawak na espadang kahoy tapos tatagain siya ng isang kalaban, makakailag siya, tapos susundutin niya ung tiyan, tapos i-itsa niya habang "naka-tuhog" yung kalaban. Saka sila Lloyd (name ng actor sa palabas, hindi ko alam real name eh) at yung kasama niya ay parang engot na may suot na kapa. Ayos lang sana kung naka-prinsipe costume sila tulad ni Danilo Barios pero, naka-polo ung isa at jeans, ung isa naman shirt at jeans, kumbaga, ano yung kapa? Rangko? Design? Pero, magandang serye yun ah, at sinusubaybayan ko. Nood na!
Isa pa palang current event, totoo na to pramis. Nag-aaway nga pala ang D`Bodies at Baywalk Bodies. Nag-sisigawan silang bisaya, mukhang katulong, at iba pa. Kayo na ang manghusga kung sino sa kanila ang bisaya talaga at mukhang katulong.
Nga pala. Patay na si Sandara sa Krystala!
Posted at 08:56 pm by marvinthegreat
Permalink
Saturday, February 26, 2005
Nang magkaroon ng "kuwentong lugawan"
Hinahanap ko tuwing gabi na galing sa eskuwela ang lugaw. Ilang buwan na rin ako kumakain at nakapaghatak pa ako ng mga kasama. Ang lugawang ito ay yung mga klase na de-gulong, tuwing mga hapon lamang nagbubukas, at murang-muira. Huli ko na ngang malaman na yung gusto kong laman ay dila pala ng baka. Ang kakaiba rin sa lugawan na ito ay yung mga kwentuhan.
Ang isa yata sa may-ari ay isang photographer ng isang tabloid. Maririnig mo sa kanila ang mga angal sa trabaho, kaso hindi pinaghihirapan ng iba yung litrato napapa-frontpage pa. Una rin ang mga photographer sa balita. Narinig ko ang isang pangyayari sa Isla Puting Bato na kung saan malapit lamang sa amin at kung saan buhay pa rin ang diwa ng Tondo. Nagkaalitan sa ilaw ang ilang mga residente dito, syempre, hindi dinadaan sa mabuting usapan ang ilang mga bagay, hangga't humantong sa patayan. Tatlo na ang napapatay sa isang kampo, at sila, na mga residente doon, ay "patay-malisya" na lamang sa bagay. Nahihinuha sa buhay-kaptibahay nila na kapag mayroong kayong gulo, kayo mag-ayos nun. Bukod sa tatlong napatay, may mga kasama pa sila, na siyang malaking pagkakamali ng kabilang kampo, nagtira sila at nakatakbo ang iba. May nagreklamo, may hulihin ngayon ang kapulisan.
Ang yugto ay ng buhay ko ngayon ay napakamahalaga. Pero, ibang bagay na yon. Habang sumusumpa na ako na hindi susulat ng anuman hangga't di makapasok sa isang unibersidad, sadyang may mga bagay na kasulat-sulat. Tulad na lamang ng naging application sa PLM. Ako'y isang manilenyo, magtatapos sa isang mataas na paaralang pampubliko ng maynila, at binoto ng lola ko si Atienza noong nakaraang eleksyon. Ayon sa mga narinig ko, tatanungin talaga sa inyo halos kung bumoto kayo, at kung ibinoto ninyo si Atienza. Tulad na lamang sa akin, kung anu-anong mga tanong ay ibinato sa akin na talaga namang sobrang arte. Pending na ako sa isang unibersidad, puwede na yun, bahala kayo sa buhay niyo.
Posted at 10:04 am by marvinthegreat
Permalink
Sunday, February 06, 2005
Nang magfeeling oxford graduate ang ilang mga pinoy
Nakakatuwang balita ang tungkol sa Jesus Christ Followers sa Cagayan de Oro. Isang paaralan ito na hindi sumunod sa requirements ng DepEd dahil napaka-obsolete ng ating curriculum. Tinawag nilang "Americanized" ang kanilang paaralan, at ikinahihiya rin nila ang pagiging pinoy nila. Hindi lamang sila trying hard sa British Accent , trying hard rin sila sa pagsusunod sa American Way. Kahit halatang nauubusan ng English ang mga master-mind nila at lumalaki pa ang ilong kakasigaw at kaka-OA nila, eh hindi talaga sila matibag.
Mas maganda talaga kung nabasa o napanood ninyo ang balitang ito. Ang masama talaga dito eh na-brainwash nila ang mga mag-aaral nila. Nang nagkulong sila sa paaralang iyon at pinunit ang isang Writ of Habeas Corpus na bagay, at nagsabi rin na lahat ng tao dun ay handang mamatay at kung anu-ano pa, binarikada rin nila ang gate ng paaralan at naghagis pa nga ng dumi ng tao mula sa mga bintana (kadiri, followers of christ daw oh.) Ilang ulit rin nilang sinasabi na ang tinuturo lamang nila sa kanilang mga mag-aaral ay ang tama kahit na sinasagot na nung iba yung mga magulang nila at pinagbabasag ang mga fasilidad sa isang government agency nang sila'y nagwelga. Ang nakakatuwa rin dito ay kung paano pa sila ipinagtatanggol ng mga estudyante nila at kung gaano rin katibay ang mga loob nila. Ang masaklap ay totoo ang balitang ito at hindi ako nagsisinungaling.
Kaya ngayon kung hindi nakaugaliang makinig ng mga pang-arawaraw na balita eh mabuti pang simulan niyo na. Mas makakapulutan ito ng aral kaysa Aesop's Fables at mas nakakatawa pa kay Ya Chang. Kakapulutan rin ng aral ang mga Home TV Shopping programs ng ibang channel, try niyo ring i-memorize at i-recite ito sa harap ng klase. Kakapulutan rin talaga ng aral ang Dating Daan (walang sarcasm to) mabuti man o masama, inis man o tawa. Wala ring masama kung manonood kayo ng mga pinoy action movies at Hello Kitty and Friends tuwing Linggo ng umaga. Kakapulutan talaga ng aral ang TV pati mataas na electric bills, eyebags, sumasakit na panga dahil sa kakatawa at inis bunga ng mga pang-aapi at katang*han ng mga bida sa mga telenovela.
Posted at 10:31 pm by marvinthegreat
Permalink
Monday, January 31, 2005
Nang naging boses ang puhunan...
Naglalakad ako pauwi ng makirinig ako ng kakaibang busina ng pedicab, parang tunog torotot ng bata. Nakakahiya naman lumingon kaya patuloy pa rin ako sa paglakad. Galing iyon sa isang sidecar, at nung magkasabayan kami eh wala akong nakikitang torotot, boses ang gamit niya. At malakas pa yung tunog na ginagawa niya, may kanya-kanyang rhythm, ang galing! Kung walang busina, bibig ang gamitin - ang boses ay puhunan, ika nga ng Maxx. Marahil ang mga pedicab boys ang nagpauso ng mga kakaibang busina - sino nga naman ang makakalimot sa "aaagh aaghh ah ah ah ah ah ah ah?"
Galing ako sa 16th YMCA National Assembly of High School Students and 9th YMCA National High School Club Advisers Seminar na ginanap sa Subic (sa Baguio dapat ito gaganapin ngunit kasagsagan ng Meningococemia ngayon.) Ang may kabuluhan siguro dito ay ang pakikinig ko sa speech ng mga platform speakers, lalo na yung dalawang politiko (o government employees - depende kung naglilingkod talaga sila o namumulitka lamang.) Yung isa ay vice-governor na may-alitan sa kanyang governor kaya pagdating sa dulo ng speech niya ay nagbabanggit siya na baka kunin na siya ng panginoon dahil may death threat siya. Tinanggalan daw siya ng funds nung governor niya at may explanation na siya sa nabiting projects, hindi ko alam kung totoo pero sa tingin ko ay naniniwala ako (hindi naman siya mukhang kontrabida eh.) Yung isa naman ay isang vice-mayor (mahilig sila sa vice) kinuwento niya na tumira siya sa Luneta for 6 months, naging janitor at kung anu-ano pa. Parang sinasabi niya na magpursigi upang umunlad, kahit ano pa ang katayauan mo sa buhay. Ang assembly na nabanggit ay leadership training, pero sa mga katulad kong introvert at tahimik (kapag hindi ko kilala yung mga kasama ko) naging membership training ang naging dinaluhan ko. "Empowering the Youth Towards Responsible Leadership" ang theme nung assembly. Isa rin ito sa mga lugar na kung saan ka makakakita ng 1st Most, 2nd Most, 3rd Most, 4th Most, at 5th Most Outstanding Delegation.
Samu't sari ang kagandahan ng pagiingles ng mga Pilipino, kahit na puro principal ng iba't ibang school ang nandun. Ang pakikisalamuha sa mga tao ay iniudyok nila sa pamamagitan ng pagsabi ng "you must learn how to circulate." Kapag nawawala ka naman ay tatanungin ka ng "are you losing your direction?" Ilan lamang iyan sa pinagtyagaan kong alahanin, hindi pa kasama ang errors nung handbook na ibingay nila. Dito lamang yata mayroong mga may english major na nagsasabi ng ganitong mga pahayag lalo na itong "what is the arrive to you?" (anong dating sa'yo) principal pa kamo sila.
Posted at 11:41 pm by marvinthegreat
Permalink
Tuesday, January 25, 2005
Nang akalain kong walang ginagawa ang mga Pulis Maynila
Parang ansaya ko tuloy. 7:30 ng gabi, may mga tambay na nagsusugal sa harap ng puwesto ng lola ko (sila-sila ring mga mukhang "taong-grasa" sa naunang entry). Gulat na lamang ako na may pulis na dumating na may hawak pang latigo ng kabayo at sinalamapak sa loob ng nakahandang mobile yung mga sugarol. Parang wala lamang sana yung nangyari pero nakita ko uli yung mobile at yung mga police doon sa bandang Elcano corner Recto Avenue naman. At parang kung anong malinis na lugar yung mga tambayan ng mga humihithit ng solvent at rugby doon, nawala yung mga loko. At ito pa, yung mga nagsitakbo naman ay hinabol! Totoo! Ang mga nababalitaan kong mga namimili ng libre tuwing may raid ay nanghahabol rin pala kahit rugby boy lamang. Punung-puno na rin yung mobile ng madatnanan ko, abala talaga sila. Sana tuluy-tuloy na ang gawaing ito ng mga pulis.
Nakakatuwa rin kung pano maulit ang mga pangaraw-araw na nangyayari sa akin. Namili naman ako ngayon ng jeep na nag-aabang kahapon, sa pag-aakalang nag jeep na nag-aabang, kapag napuno ay dirediretso na ang takbo. Mali na naman talaga ang napili ko! Oo nga't napuno siya nang hindi katagalan at wala na ring naunang jeep sa amin, pero ang kapal ng mukha, magpapakarga pala ng gasolina! At kakaiba rin ang nangyari, may nauna kaya naghintay pa kami ng matagal tapos yun pala Php30 worth of gasolina lamang! Meron pa, nung paalis na, aba, may nahulog yung driver sa upuan niya. Antagal rin niyang inabot yung bagay, iisipin mo talaga na nakuha na niya pero yun pala umaayos lamang siya para mas maabot. May hiya naman siya kaya iniwan niya na lamang. Tinadhana talaga na tagalan ako sa pag-uwi.
Pero kanina laging gulat ko ulit. Yung jeep na sinakyan ko kahapon, yun rin ang nasakyan ko ngayon. Oo sigurado ako dahil ka-pansinpansin na kamukha nung tsuper yung 60s look ni Ringo Starr. Sa kagandahang palad ay maayos naman at mabilis ang biyahe nya ngayon.
Special mention talaga dapat ang kaklase kong ewan. Kumain kami nung Php20 meal sa McDo, yung burgermcdo at 8oz. coke. Bwiset nga eh dahil nawala yung Php100 ko (off topic). Kumain kami habang naglalakad at nung natapos siya akma na sana niyang itapon sa kalsada yung wrapper ng burger pero pinigil ko siya. "Ano ka ba, mahiya ka naman, ginagawa mo nang malaking basurahan ang Pilipinas," parang ganyan yung sinabi ko. Sabi niya parang foreigner daw ako. Naisip niya siguro na kaugalian na ng Pilipino ang pagtapon kahit saan at foreigner lamang ang hindi gumagawa noon. Lesson: Mahilig nga makiuso ang mga Pilipino (kahit mali.)
Posted at 10:06 pm by marvinthegreat
Permalink
|
 |
 |
 |
 |
 |
 |
|
|